header image

HOME

This is the blog of Ian Rosales Casocot. Filipino writer. Sometime academic. Former backpacker. Twink bait. Hamster lover.

Interested in What I Create?



Bibliography

Wednesday, October 22, 2003

Para sa Binatang Nakasabay sa Loob ng LRT

Ni Raymund Magno Garlitos



Ipinagkakanulo tayo ng asiwang panahon

Sa loob ng hurnong ito na may gulong

At tumatakbong mataas na mataas pa sa lupa

At mga kabahayan ng kalakhang Maynila.



Prenteng-prente ako sa pagkakaupo.

Ikaw naman, kunsumido sa paglambitin

Sa estribo. Pagod na pagod rin ang alikabok

Sa hangin, at dama ko ang paglapot

Ng iyong pawis na parang sukong-suko

Sa walang kasing-bagsik na Lunes.



Narinig mo ba ang hinaing ni Manang

Na walang sawang nakakapit sa bakal?

“Aru, Diyos ko, para akong piniprito!”

At sabay tayong mapapatawa kahit dinudumog tayo

Ng init ng bawat pagsusumiksik.



Panaka-naka ang bugso ng lamig

Na dumadapo sa mga balikat natin.

Nilililok ng pawis ang katawan mong

Nahahagingan ng kamisetang manipis.

Humihingal ang bawat balahibo

Sa iyong dibdib at braso.

Umaalsa ang bawat kalamnan sa hita

Na parang naghahanap-ginhawa.

Doon, sa kalugod-lugod mong pagod,

Ko mapapansing ikaw pala’y guwapo.



Napapansin ko ring di mo sinasagot

Ang bawat taimtim na paglunok ko ng laway.

Sumisigid ang init at lamig sa mga matang

Di ko matantiya kong ika’y natutuwa

O nababastusan sa bawat dighay ko ng init.

Habang ako, atubili sa pagpaypay

Ng abaniko, ay walang imik.



Nang humantong sa Monumento,

Naglaho kang parang pawis na hinigop

Ng panyo kong bagong bili.

Kanina pa ako dapat bumaba sa Buendia

Mula sa hurnong ito na de-gulong

At tumatakbong mataas na mataas pa sa lupa.

[0] This is Where You Bite the Sandwich





GO TO OLDER POSTS GO TO NEWER POSTS